Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes, Nobyembre 23, na bubuhayin ng ahensiya ang North-South Commuter Railway (NSCR) at South Long Haul (SLH) na mag-uugnay sa Metro Manila sa mga lugar sa northern at southern Luzon.
“Tayo ay gagawa ng isang railroad network na world-class – maipagmamalaki hindi lamang sa Asya, kundi pati na sa buong mundo. Mga bago, moderno, at mabilis na tren na tatakbo mula Clark hanggang Calamba patuloy hanggang Bicol,” ayon kay DOT Secretary Jaime Bautista.
Sinabi ng DOTr na ang NSCR ay isang 147-kilometrong railway system na magkakaroon ng 35 istasyon kung saan mayroong 52 commuter trains at pitong express trains.
Iginiit nito na sa pamamagitan ng NSCR, mababawasan ang travel time mula 4.5 oras hanggang sa dalawang oras para sa biyaheng Calamba, Laguna hanggang Clark, Pampanga.