Libu-libong pamilya ang inilikas dahil sa massive flooding dulot ng walang tigil na pagbuhos ng ulan dala ng shear line sa Eastern Visayas Region.
Batay sa ulat ni Josiah Echano, Provincial Disaster Risk Reduction and Management officer ng Northern Samar, nasa 370,000 katao ang naapektuhan ng pagbaha sa mga bayan ng Catubig, Lope de Vega, Bobon, Catarman, Rosario, Silvino Lubos, Mondragon, Pambujan, San Roque, Las Navas, Palapag, Gamay at Lapinig.
Nagu-lat aniya ang mga local government units sa lugar dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig .
Sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), umabot sa 618 millimeters ang volume ng tubig ulan naibuhos nitong Lunes at patuloy itong tumataas.
Ito aniya ang pinakamataas na volume ng ulan na naibuhos sa kasaysayan ng Northern Samar.
Sa Eastern Samar, nakaranas din ng matinding pagbaha sa mga bayan ng Maslog at Jipapad. Sinabi ni Jipapad Mayor Benjamin Ver na dahil mabilis ang pagtaas ng tubig baha, karamihan sa mga residente ay inilikas sa mga evacuation centers, municipal buildings at iba pang gusali.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang mga opisyal sa mga apekatadong munsipalidad sa national government na tulungan sila dahil hindi nila alam kung hanggang saan ang magiging epekto ng kalamidad sa buhay ng mga mamamayan.
Ulat ni Baronesa Reyes