Ngayong weekend, masasaksihan ng mga motorista ang pagarangkada ng mahahabang convoy ng big bikes na patungo sa Hilagang Luzon dahil sa pagdaraos na 8th Ilocos Invitational Ride na magsisimula ngayong Biyernes, Nobyembre 17.
Pangungunahan ng City Government of Vigan ang pagdaraos ng bonggang motorcycle event na gaganapin sa makasaysayang siyudad na ideneklara ng UNESCO bilang heritage site.
Ito ay pangungunahan ni Ilocos Sur 1st District Rep. Ronald Singson, magiging tampok sa okasyon ang mga meet-and-greet ng mga celebrity at moto vloggers, live band concert, bike exhibit, test rides at iba pa na gaganapin sa Plaza Burgos.
Dinarayo rin ng ilang foreign bikers mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang big ride to Vigan. Ito rin ang unang pagkakataon na i-park ang mga motorsiklo sa kahabaan ng Calle Crisologo, na isa sa paboritong tambayan ng mga turista sa Vigan City.
Ani Singson, layunin ng taunang event ay upang maisulong ang turismo ng Ilocos Sur at Vigan City na isa sa mga pinakamaganda at makasaysayang lugar sa Pilipinas.
Mula sa Pilipinas Today: Ride safe, mga kagulong!