Ipinagutos ni PCG Commanding General Admiral Ronnie Gil Gavan ang suspensiyon sa lahat ng water search and rescue training ng hukbo matapos malunod ang isang tauhan nito sa Palawan nitong Miyerkules, Nobyembre 15.
“All WASAR (Water Search and Rescue) courses are hereby suspended immediately pending the conduct of review of safety procedures by the Coast Guard Special Operations Force and cognizant units,” sinabi ni Gavan.
Ang biktima, na isang 27-anyos na tauhan ng PCG District Palawan na may ranggong “Apprentice Seaman,” ay nawalan ng malay habang tinatapos ang 100-meter swim.
Tinangka pa umanong sagipin ng training staff ang biktima sa pamamagitan ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) subalit tuluyan pa rin itong nalagutan ng hininga habang isinusugod sa isang ospital, ayon sa report.
“With this incident, rest assured that our existing training safety protocols will be reviewed and improved to ensure that every personnel preparing to become first responders can effectively serve the Filipino nation by upholding safety of lives at sea,” giit ni Gavan.