Tatlong pulis, na may ranggong sarhento, ang inaresto matapos ireklamo ng pangingikil sa Montalban , Rizal.
Nakilala ang mga inaresto na sina Senior MSgt. Jose Reyes, S/Sgt. Ramel Delorino at S/Sgt. Glen Libres, pawang mga miyembro ng Rodriguez Municipal Police Station.
Batay sa ulat ng Philippine National Police- Integrity Monitoring Enforcement Group, ang tatlo ay inaresto sa ikinasang entrapment operation dakong 8:00 ng umaga sa Barangay Rosario, Montalban, Rizal.
Sa reklamo ng lalaking complainant, nagtungo ang tatlong mga pulis sa tahanan ng isang “Kristina Gabriel” upang silbihan ng warrant dahil sa paglabag sa Bouncing Check Law.
Nang hindi matagpuan ang subject ng warrant, pinosasan umano ng mga pulis ang complainant .
Isinakay ang complainant sa PNP vehicle , binugbog at tinakot na kakasuhan kaugnay sa illegal drugs .
Hiningan din umano ang complainant ng halagang P100,000 kapalit ng hindi pag-aresto sa kanyang nobya. Ang mga pulis ay sasampahan ng kasong robbery, illegal detention, trespass to dwelling at iba pang kasong administratibo.
Ulat ni Baronesa Reyes