Sinimulan nang ipatupad nitong Miyerkules, Nobyembre 15, 2023 ang tatlong buwang fishing ban sa Zamboanga Peninsula.
Sa pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Region 9, pangunahing layunin ng fishing ban na mapangalagaan ang marine resources sa lugar at maparami pa ang populasyon ng sardinas o isdang tamban.
Sakop ng fishing ban ang Silangan ng Sulu Sea, Basilan Strait at Sibuguey Bay, ayon sa BFAR.
Para matiyak na maipapatupad ng maayos ang fishing ban sa lugar, nagpakalat ang BFAR , Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police Maritime Group ng mga patrol boats at mga tauhan na siyang huhuli sa mga lalabag sa fishing regulations.
Matatandaan na inilipat ng mas maaga ang pagpapatupad ng fishing ban ngayong taon matapos aprubahan ng National Fisheries and Aquatic Resources and Management Council (NFARMC) na ilipat ang panahon ng pagpapatupad ng tatlong buwan na closed fishing season sa karagatang sakop ng Zamboanga Peninsula para sa isdang tamban.
Ang closed fishing season na sinimulan noong taong 2011 sa bisa ng BFAR Administrative Circular No.255 ay taun-taong ipinapatupad at magtatagal hanggang Pebrero 15.
Ulat ni Baronesa Reyes