Kidnapping at serious illegal detention ang isinampa ng Batangas Provincial Prosecutor Office laban sa apat na indibidwal na inaakusahang sangkot sa pagkawala ng Batangas pageant candidate na si Catherine Camilon.
Sinabi ni Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP, na kabilang sa mga kinasuhan na ay si Maj. Allan de Castro ng CALABARZON Police Regional Office, isang sibilyan na kinilalang si Jeffrey Ariola Magpantay, at dalawang John Does.
Bago ito tuluyang naglaho, sinabi ni Fajardo na nagpaalam si Camilon sa kaibigan na makikipagkita siya kay de Castro.
Si Magpantay ay kinilala ng dalawang saksi na nakakitang duguan si Camilon mula sa sasakyang Nissan Juke na inilipat sa pulang Honda CR-V.
Ang assisting prosecutor ay may 10 araw para pag-aralan ang mga kasong isinumite ng CIDG kung ito ay nararapat nang isalang sa preliminary investigation.
Nakakuha ang mga awtoridad ng mga hibla ng buhok at potensyal na sample ng dugo mula sa CR-V na magagamit nila sa imbestigasyon.
Ang nasabing proseso ay dadaan sa forensic group habang ang CIDG 4A ay sumama sa pamilya para kunin ang DNA samples nito at ikumpara sa forensic evidence ng narekober na CR-V ani Fajardo.