Mismong mga ka-trabaho ni P/MSgt. Gregg Redoblado ng Albay Police Provincial Office ang dumampot sa kanya sa isang lodge sa Barangay Calzada, Albay, dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga.
Ayon kay P/Lt.Col. Maria Luisa Calubaquib, information officer ng Police Regional Office (PRO)-5, matagal na nilang minamanmanan si Redolbado matapos silang makatanggap ng impormasyon hinggil sa mga umano’y ilegal na gawain nito.
Nabawi sa suspek ang mga sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na may timbang na 30 gramo at nagkakahalaga ng halos P2,000.
Ayon sa ulat, kinumpiska rin ng mga kapwa pulis ang Glock 17 service pistol ni Redoblado.
Pinuri naman ni P/BGen. Westrimundo Obinque, PRO-5 director, ang kanyang mga tauhan sa pagkakaaresto kay Redoblado.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang source ng shabu na nakumpiska umano mula sa suspek.