Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa nangyaring pagpatay sa radio anchor na si Juan Jumalon na kilala bilang “DJ Johnny Walker.”
Sinabi ni NBI spokesperson Mico Clavano na natanggap na ng ahensya ang impormasyon sa insidente at ngayon ay pinag-aaralan na nila ang mga leads para matukoy ang gunman at mga nasa likod ng pagpatay.
“The NBI is on the case already,” pahayag ni Clavano.
Aniya, nakikipagtulungan na rin ang NBI sa Presidential Task Force on Media Security na pinamumunuan ng Undersecretary Paul Gutierrez para mapadali ang kanilang imbestigasyon at matukoy ang mga salarin.
Matatandaang ang 57- anyos na broadcaster ay binaril sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Don Bernardo A. Neri, Calamba, Misamis Oriental, habang nagla-live broadcast ng kanyang programa sa radyo dakong ala-6 ng umaga noong Linggo, Nobyembre 5.
Sinabi ni Presidential Task Force on Media Security head Undersecretary Paul Gutierrez na may ilang posibleng motibo sa pagpatay kay Jumalon, kabilang ang agawan sa lupa.
Kaugnay nito, naglabas na rin ang awtoridad ng computer-generated composite ng isa sa tatlong suspek sa naturang krimen. Anila, ang imahe ay naglalarawan sa kakutsaba ng gunman na nakaharap ng security guard sa gate ng bahay ni Jumalon kaya ang mga ito nakapasok sa radio booth.
Una nang inihayag ng Police Regional Office 10 nba bubuo sila ng special investigation task group na siyang tututok sa kaso.
Ulat ni Baronesa Reyes