Apat na katao ang nasawi matapos na salpukin ng isang kotse ang likuran ng truck sa Marcos highway sa Antipolo City ngayong Lunes, Nobyembre 6, ng madaling araw.

Nakilala ang mga nasawi na sina Juanito Cataylo, 22, driver ng kotse; at mga sakay nitoing sina Kidrock John Magsino, 22; Lawrence Ivan Jose, 21 at Ereneo Balmonte, 22 pawang mga residente ng Antipolo City.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck na si Glen Gumban, 48-anyos at residente ng Marikina City.

Sinabi ni Rizal Police Provincial Office chief Col. Felipe Maraggun, naganap ang insidente dakong 3:00 ng madaling araw sa Marcos highway.

Aniya nasa iisang linya lamang ang kotse at truck at sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang sinalpok ang kotse ang likurang bahagi ng truck na naging sanhi ng pakasawi ng apat na biktima.

Inaalam na ng mga imbestigador kung may kinalaman sa drag racing o di kaya naman ay lasing ang driver ng sasakyan nang maganap ang aksidente.

Ulat ni Baronesa Reyes