Tatlong lalaki, kabilang ang nanalong kandidato sa pagka-konsehal, ang sangkot umano sa insidente ng pananakot sa mga residente sa Barangay Tapon, bayan ng Dumanjug.
Kabilang ang mga reklamong physical injury, grave threats at paglabag sa gun ban ang inihain ng Commission on Elections (Comelec) laban sa kanila.
Sinabi ng information officer ng Cebu Police Provincial Office (CPPO) na Maj. Nolan Tagsip na ang tatlong lalaki ay kinilala ng mga awtoridad mula sa isang video na sinisipa ang mga biktima habang may bitbit na mga baril.
Ang video ay kumalat online sa araw ng halalan nitong Lunes, Oktubre 30.
Isa sa mga nakilala ay ang nanalong konsehal sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023.
Inihahanda na ngayon ng Dumanjug Police Station ang mga salaysay ng biktima at testigo para sa pagsasampa ng kaso laban sa tatlong suspek.