Ayon sa Special Investigation Task Group (SITG), away sa pulitika at iligal na aktibidad, ang posibleng motibo sa pagpatay sa isang kandidato sa pagka-barangay kagawad sa Montevista, Davao de Oro.
Patuloy na inaalam ng Montevista Municipal Police Station ang pagkakilanlan ng riding-in-tandem na nasa likod ng pamamaril kina Alvin Bengil Garcia, 32, at ang kanyang back rider na aspirant Kagawad Jocelyn Montaño Agron, 50.
Bigla umanong nilapitan ng riding-in-tandem ang mga biktima bago pinutukan ng sunud-sunod.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Garcia habang sugatan din ang kanyang backrider na si Agron matapos mahulog mula sa sinasakyang motorsiklo.
Isinugod sa pagamutan ang dalawang biktima kung saan idineklara dead on arrival si Garcia.
Dahil sa insidente, mas pinalakas pa ng Montevista PNP ang seguridad sa lugar. Nanawagan din ang pulisya sa publiko na magbigay ng impormasyon para mabilis na maresolba ang krimen.