(Photo courtesy Quezon MPD)
Patay ang tatlong propesor ng Southern Luzon State University (SLSU)-Tiaong Campus matapos masagasaan ng isang cargo jeep sa Maharlika Highway, Barangay Lagalag, Tiaong, Quezon nitong Miyerkules ng gabi, Hulyo 26.
Base sa ulat ng Tiaong Municipal Police, isang lalaki at dalawang babae na pawang nagtuturo sa SLSU ang mga biktima.
Sinubukan pang dalhin sa ospital sa Candelaria, Quezon ang mga biktima pero binawian din ang mga ito ng buhay.
Bandang 7:30 ng gabi, tumatawid ang tatlo sa kalsada sa tapat ng eskuwelahan nang masagasaan sila ng jeep na minamaneho ng isang 63-anyos na residente ng San Pablo City.
Lumalabas sa imbestigasyon na madilim ang bahagi ng kalsada nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa pamunuan ng SLSU, galing ang tatlong biktima sa isang meeting sa eskuwelahan para sa nalalapit na pagtatapos ng mga estudyante.
Nasa kustodiya na ng Tiaong Police ang driver ng jeep na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.