Karagdagang 300 puwersa ng Police Regional Office Bangsamoro at Special Action Force (SAF) ang ide-deploy sa Cotabatoi City para tumulong sa pagbibigay ng seguridad sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Col. Jean Fajardo, ang pagdaragdag ng puwersa ng PNP sa lugar ay isinagawa matapos na mapabilang sa validated election-related incident (ERI) ang pagkasawi ng tatlong indibidwal kabilang ang dalawang kandidato sa pagka-barangay kagawad sa lugar kamakailan.
Ayon sa pulisya, kabilang sa 12 suspek ang isang kandidato sa pagka-barangay chairman at isang pulis.
Sinabi ni Fajardo, magmumula sa Reserve Force ng PRO Bangsamoro ang mga ipadadalang pulis na titiyak ng seguridad sa lungsod. Magde-deploy rin ng mga tauhan ang PNP Special Action Force at Philippine Marines.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa Yellow Category ang Barangay Rosary Heights 12 kung saan naganap ang insidente pero posible itong itaas sa orange o red category.
Matatandaang nagkakabit lang ng campaign posters ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng mga suspek.
Ulat ni Baronesa Reyes