Nilinaw ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na hindi itutuloy ang gobyerno ang programa para sa “Libreng Sakay” taliwas sa naunang pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa halip, sinabi ni Bautista na pinag-aaralan ng Transportation Department ang pagbibigay na lamang ng fare discounts sa mga commuters dahil mas marami aniyang Pinoy ang makikinabang dito.
Matatandaang inanunsyo kamakailan ng LTFRB na ibabalik nila ang “Libreng Sakay” sa Nobyembre at magtatagal ito hanggang Disyembre ngayong taon dahil na rin sa inaasahang P1.3 bilyong pondo na ilalabas para sa nasabing programa sa pamamagitan ng joint memorandum circular.
Ang programang “Libreng Sakay” ng gobyerno sa EDSA carousel o busway system ay nagtapos noong Disyembre 2022 matapos ang dalawang taon.
Marami ang nakinabang sa nasabing programa lalo na at nataon ito sa kasagsagan ng pandemya. Kaya naman hiling ng publiko sa pamahalaan, ibalik ang prorama para makatulong sa mga commuters.
Ulat ni Baronesa Reyes