Sinimulan na ng Quezon City government, katuwang ang Commission on Elections (Comelec) at QC Traffic Transport Management Department (QCTTMD), ang pagpapatupad ng “Oplan Baklas” laban sa mga illegal campaign materials ng mga kandidato ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Sinabi ni Dexter Cardenas hepe ng QCTTMD, mula 6:00 am hanggang 8:00 am nitong Biyernes ay nag ikot na sila kasama ang QC Comelec para galugarin ang mga lugar mula District 1 hanggang District 6 sa lungsod.
Paliwanag ng opisyal, ang mga binaklas na campaign materials ay mas malaki kaysa sa itinakdang size para dito ng Comelec. Ang mga binaklas na campaign materials partikular mula sa manggahan sa Barangay Katipunan ay dinala na sa Quezon City Hall para sa safekeeping at documentation ng mga kandidatong lumabag sa Comelec rules.
Ayon kay Cardenas magpapatuloy ang operasyon Baklas para tulungan ang Comelec laban sa mga nagkakabit ng illegal campaign materials. Ang BSKE campaign ay nagsimula nitong October 19 at matatapos sa Oktubre 28.
Ulat ni Baronesa Reyes