Limang katao ang kumpirmadong nasawi, habang maraming iba pa ang pinangangambahang nalibing ng buhay matapos matabunan ng lupa ang limang kabahayan sa naganap na landslide sa General Nakar, Quezon nitong Martes, Oktubre 24, ng gabi.

Apat sa mga nasawi ay nakilalang sina Ramel Binalao, Shirley Delos Angeles, Jonathan de Los Angeles at Dionely Datario.

Sa ulat ng 80th Infantry Battalion , ang insidente ay naganap sa Sitio Angelo, Barangay Umiray sa nasabing bayan.

Sinabi ni Mayor Eliseo Ruzol na gumuho ang lupa sa lugar dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan sa tri-boundary ng General Nakar, Doña Aurora Trinidad sa Bulacan, at Aurora province.

Sa tulong ng mga residente sa lugar at rumespondeng sundalo, nagawang mahukay ang katawan ng limang biktima mula sa gumuhong lupa.

Hinala ng mga rescuers, marami pang biktima ang natabunan ng lupa ang kinakailangang mailigtas sa lalong madaling panahon.

Isang black hawk helicopter din mula sa 2nd Infantry Division ang naghihintay na umayos ang panahon upang maibiyahe ng mga ito ang mga bangkay sa headquarters ng 2nd ID sa Tanay Rizal kung saan naghihintay ang kanilang mga kaanak.

Napag-alaman na ang Sitio Angelo ay nasa loob ng Sierra Madre mountains at ang lugar ay maari lamang marating sa loob ng dalawang araw na paglalakad.

Ulat ni Baronesa Reyes