Tatlong katao, kabilang ang dalawang tumatakbong kagawad ng barangay, ang nasawi habang dalawa pa ang nasugatan matapos pagbabarilin ng mga kalaban sa pulitika sa Cotabato City noong Linggo, Oktubre 22,
Nakilala ang mga nasawi na sina Nur-Moqtadin K. Butukan at Alfar Singh Ayunan Pasawiran, kapwa tumatakbong kagawad sa Barangay Rosary Heights 12, at sibilyang si Faisal Abas.
Sugatan din sa insidente ang kanilang tagasuporta na sina Saipul Sapalo at Fajeed Daud.
Arestado naman ang mga suspek na nakilalang sina Juhalidin Ladesla Abdul, alyas “Boyong,” kandidatong pagka-konsehal sa barangay, mga tagasuporta niyang sina MSgt Pauti Dianal Mamalapat, Jayson Manguda Basuan, Surin Alon Kamad, Daniel Gumat Paguital, Nordin Gueamel Alay, Mishal Malang Mamalapat, Abedin Saban Guinat, Buts Saban Tgepay, Dixie Mahinay Garcia, Arman Mamalangkal at Ronda Midtimbang Bansuan.
Batay sa ulat ng Cotabato City Police Office, naganap ang insidente dakong 9:30 ng gabi sa Barangay Rosary Heights na nasabing lungsod.
Nagkakabit umano ng campaign posters ang mga biktima sa lugar nang pagbabarilin sila ng 12 katao.
Agad namang rumesponde ang mga alagad ng batas at nakitang nakahandusay ang mga biktima sa lugar kung kaya’t isinugod ang mga ito sa Cotabato Regional and Medical Center subalit hindi na umabot ng buhay ang tatlo.
Ulat ni Baronesa Reyes