Sinabi ng North Luzon Expressway (NLEX) nitong Miyerkules na magtatalaga ito ng humigit-kumulang 1,500 tauhan bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga motorista sa kani-kanilang probinsya para sa Undas at barangay elections.
“Inaasahan po natin na umpisa po ng Friday, lalong-lalo na po sa hapon, dadami na po iyung ating mga motoristang pauwi ng probinsya, gayundin siguro may papunta rin ng Maynila,” ayon kay NLEX Traffic Management head Robin Ignacio.
“Kami naman po sa NLEX ay nakahanda na po at magdi-deploy kami ng mas maraming personnel, around 1,500 po,” sabi niya sa TeleRadyo Serbisyo.
Maaaring subaybayan ng mga motorista ang mga update sa trapiko ng NLEX sa Facebook at X, o tumawag sa hotline 02 1-35000.
Pansamantalang itinigil din ng NLEX ang pagkukumpuni ng mga kalsada at pagsasara ng lane mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 6, sabi ni Ignacio.
Sa Miyerkules, ang expressway ay magsasagawa ng dry run para sa contactless toll collection, dagdag niya.