After 23 years, magbabalik sa Manila ang international, award-winning musical na ‘Miss Saigon.’
Sa Marso 2024 ay muling masasaksihan ng publiko ang bagong produksiyon ng 1989 classic na musical na Boublil & Schönberg’s “Miss Saigon,” sa The Theatre at Solaire sa Parañaque City.
Ito ang inianunsiyo ng organizers ng tinaguriang “extravagant and exhilarating musical” na GMG Productions, kasama ang GWB Entertainment.
“I’m absolutely thrilled to be bringing my spectacular new production of ‘Miss Saigon’ to Manila. Without a doubt, it is the best production of ‘Saigon’ I have ever produced, with one of the most brilliant casts that have ever performed the show around the world. I can’t envisage another show of this scale being done in Manila for the foreseeable future,” ani Cameron Mackintosh sa isang pahayag.
Naunang naipalabas sa Land of the Down Under (Australia), kinasasabikan ng theater enthusiasts ang palabas na nagpasikat sa napakaraming Filipino thespians: Lea Salonga, Jon Jon Briones, Joanna Ampil, Rachelle Ann Go, Pinky Amador, Isay Alvarez, at marami pang iba nang unang itanghal ito sa West End noong 1989, kung saan si Lea ang gumanap sa lead role na “Kim.”
Ang “bagong” Miss Saigon ay sa direksiyon ni Laurence Connor; musical staging ni Bob Avian; at dagdag na choreography ni Geoffrey Garratt.
Ayon sa organizers, magsisimula ang pre-selling ng tickets sa Oktubre 23 hanggang Nobyembre 3.