Inanunsiyo na ng ABS-CBN noong Miyerkules, Oktubre 11, na ang isang game variety show na “It’s Your Lucky Day” ay mapapanood mula Oktubre 14 hanggang 27, na pansamantalang kapalit sa “It’s Showtime.”

Tatayong host sa bagong noontime show sina Luis Manzano, Robi Domingo, Jennica Garcia, at Melai Cantiveros. Magtatampok din ito ng “special co-hosts and other celebrity guests.”

“Ang pinakabagong game variety show ng Pilipinas na ‘It’s Your Lucky Day’ ang pansamantalang papalit sa ‘It’s Showtime’ at pangungunahan ito ng ‘Pambansang Host’ na si Luis Manzano kasama sina Robi Domingo, Jennica Garcia, at Melai Cantiveros. Makakasama rin nila ang iba pang special co-hosts at celebrity guests,” inihayag ng network.

“Mula sa bumubuo ng ‘It’s Showtime,’ ang ‘It’s Your Lucky Day’ ay magtatampok ng bagong game at variety segments at ipapalabas tuwing tanghali mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 27, Lunes hanggang Sabado, sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV.

Mapapanood rin ito sa Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC. Inaanyayahan namin ang mga manonood na patuluyin ang swerte sa kanilang mga tahanan at makisaya kasama ang buong pamilya sa ‘It’s Your Lucky Day’,” dagdag pa ng network.