Naghahanda na ang nasa 2,400 tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa paggunita ng Undas ngayong taon.

Sa ulat noong Lunes, Oktubre 20, sinabi ni MMDA Chairman Don Artes, patuloy ang kanilang paghahanda sa mga tauhan na ipapakalat sa mga sementeryo, terminal, at pangunahing kalsada upang matiyak ang maayos at ligtas na daloy sa mga nasabing lugar.

Ipapatupad din ng MMDA ang “no day-off, no absent” policy para sa lahat ng nakatalagang personnel mula Martes, Oktubre 28 hanggang Linggo, Nobyembre 2 bilang bahagi ng kanilang pinalakas na operasyon.

Kabilang sa mga pangunahing priyoridad ng MMDA ang pamamahala ng trapiko, pagbabantay sa mga loading at unloading zones, at pagbibigay ng tulong sa mga mamamayang mangangailangan sa mga pampublikong lugar.

Ulat ni Britny Cezar