Mananatili sa Pilipinas ang basketball gold ng 19th Asian Games.
Ito ang tiniyak ni Philippine Olympic Committee (POS) President Bambol Tolentino matapos bumagsak sa drug test si Gilas Pilipinas main man Justin Brownlee.
Ayon sa POC chief, nakasaad sa Anti-Doping Rule (ADR) na kailangang mayroong dalawa o higit pang mga atleta sa isang team na nagpositibo sa mga ipinagbabawal na substance para ito ay maharap sa mas mahigpit na parusa, na maaaring matuloy sa diskwalipikasyon.
“Based on the ADR rule, if it’s a team event you need more than 2 athletes na mag-positive. So since sa final list si Brownlee lang ang positive… e positive nga rin ‘yung isang Jordan e. Tabla lang din tayo. Atin pa rin ang gold,” paliwanag ng POC president Bambol Tolentino.
“Remember, Brownlee was injured before kaya ‘di sila nakalaro nung FIBA World Cup. When you’re injured, lahat naman tayong tao, you are having a medication. ‘Yun lang, hindi ko alam kung may nainom siyang konting bawal don or what,” ani Tolentino.
Samantala, ibinahagi naman ni Tolentino na binigyan sila ng hanggang Oktubre 19 para magpasya kung sasaksihan ang pagbubukas ng sample B na magtatapos sa desisyon ng ITA.
“If it’s positive again, they will put sanction, two years suspension on the athlete. If you want to appeal it, then, pag nalusutan, mayroon kang explanation, medical records, etc. I don’t want to preempt but they can still lower it to one or three months suspension max.”