Aarangkada na ang Premier Volleyball League (PVL) ng season-ending conference sa darating na Linggo, Oktubre 15, sa Smart-Araneta Coliseum na nagtatampok sa labanan ng mga fan-favorite na Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans.
Ang PVL ay babalik para sa kanilang huling conference ngayong season ngunit asahan na may ilang pagbabago sa mga laro.
Noong Miyerkules, Oktubre 11, inihayag ng mga organizers ang ilang changes para sa All-Filipino Conference upang maiwasan ang pagkakaroon ng mahabang laro, kabilang ang pagbawas ng mga timeout ng mga coach sa bawat set.
Ayon sa bagong competition director na si Sherwin Malonzo, isang technical timeout lang ang ipapatupad ng liga sa bawat set, kumpara sa dating dalawang TTO. Mangyayari lamang ito kapag ang isang koponan ay umabot sa 13 puntos sa bawat set.
Walang technical timeout sa fifth set, kung ang laro ay umabot sa isang desisyon.
“Since the introduction of the video challenge, humaba yung games natin lalo na kapag nag-five sets. So what we’re introducing now is one, we’re gonna have one technical timeout na lang this coming conference so the first team who reaches 13, technical timeout tayo. It may last for as short as one minute or as long as two minutes, depende sa request ng Cignal,” sabi ni Malonzo.
Lilimitahan din ang mga coach sa isang regular na timeout bawat frame – isang pag-downgrade mula sa karaniwang dalawang timeout.
Sa court switch, papayagan lang ito ng PVL pagkatapos ng second set.
Gayunpaman, pananatilihin nila ang dalawang ‘challenge’ sa tawag ng referee sa video bawat set sa mga panuntunan ng liga.