“Kahit binubuo ng mga islang pantropiko ang Pilipinas, hindi ito hadlang para magtagumpay tayo sa ice skating. Hindi bawal mangarap!” sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Malugod na ibinahagi ni Tolentino na ang pagpapasa ng batas na nagkakaloob ng Philippine citizenship kay Russian figure skater Aleksandr Korovin ay isang malaking hakbang upang mabigyan ang Pilipinas ng pagkakataon na makamit ang kauna-unahang medalya sa Winter Olympics.
“Susulong ang paghahangad ng Pilipinas na makamit ang kauna-unahang medalya nito sa Winter Olympics matapos maipasa ang batas na maggagawad ng Philippine citizenship kay Russian figure skater Aleksandr Korovin,” ayon kay Sen. Tolentino matapos pirmahan kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12115, na inisponsor ng abogadong senador.
Ayon pa kay Sen. Tolentino, hindi malabong mag-uwi ng karangalan ang mga atleta ng Pilipinas sa 2026 Winter Olympics, tulad ng mga nakamit na tagumpay ng bansa sa mga nakaraang Summer Olympics.
Kasama ni Korovin ang Pinay figure skater na si Isabella Gamez, at sila ay naglalaro na para sa Pilipinas mula pa noong 2022 sa ilalim ng pamamahala ng Philippine Skating Union (PHSU).
Ulat ni Julian Katrina Bartolome