Balak ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na maningil ng toll fee para sa “maintenance and security” sa itatayong “iconic” na Samal Bridge, na maaaring simulan ang konstruksiyon sa darating na mga buwan.
Sa naging pagtatanong ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa konstruksiyon ng Samal Bridge, nabanggit kung balak din bang maningil ng ahensiya sa mga motoristang gagamit ng tulay, gaya ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) na nasa Cebu. Ito ay kaugnay pa rin sa proposed 2024 budget ng ahensiya, na nakasalang ngayon sa Senate Finance Committee Sub-Committee A, na pinamumunuan ni Sen. Sonny Angara.
Ang sagot ni DPWH Secretary Manuel Bonoan: pinag-iisipan ng ahensiya kung maniningil ng toll para sa tulay.
“Well, your honor, this is going to be a long-span bridge. Yeah, siguro, we’re actually planning, planning actually naman ho ito. Subject to consultations with the DILG usecs and the local government. Because we would need to maintain this bridge,” sinabi ni Bonoan.
“This going to be an iconic bridge and iyong maintenance po kasi nito is going to be quite expensive. Ah, we are actually contemplating kung pupuwede ho ‘yung magiging toll road for maintenance. For maintenance and for security,” dagdag ng kalihim.