Aabot sa 60 guro mula sa Central Luzon ang nabiktima ng car loan scam syndicate at labimpito sa mga ito ang humingi ng tulong mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sinabi ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, tukoy na nila ang grupo na nahaharap sa kasong carnapping, estafa at falsification of document habang iniimbestigahan na rin nila ang iba pang kasabwat ng mga ito.
Nabawi na rin ng Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group (HPG) ang mga sasakyan mula sa sindikato ng car loan scam na bumibiktima sa mga guro.
Sa datos ng PAOCC, 17 guro na biktima ng scam mula sa anim na pampublikong paaralan sa Pampanga ang nagpasaklolo sa kanila Modus operandi ng mga suspek na hikayatin ang mga teacher na mag-apply ng car loan na ipapasok umano sa ride hailing company para sa kumita ng extra income
“Kung ikaw, teacher tuwang-tuwa ka dahil may extra P5,000 or P10,000 ka monthly tapos after awhile iniisip mo after 2 years or 3 years bawi ko na ‘yung sasakyan, akin na ‘yung sasakyan,” ayon kay Cruz.
Subalit pagkatapos ng tatlo hanggang anim na buwan, bigla na lang umano mawawala ang suspek kasabay ng kotse na inutang ng guro. Sinabi ni Cruz, na ibinebenta rin ng mga suspek ‘yung sasakyan na hinatak dahil hindi natutuloy ang paghulog.
“Actually binibenta rin nila. So, ito minsan ‘yung nabibili na mga talon na sasakyan. Hindi na tinutuloy yung paghuhulog, so, nagagawan pa rin nila ng paraan na maibenta itong mga sasakyan na ito,” dagdag pa ni Cruz.
Ipinagtaka naman ng isa mga nabiktima na nagpa-blotter sa Balanga, Bataan kung paano naaprubahan ang kanyang loan at na-release ang sasakyan na hindi nya pa nakikita.
Ayon sa PAOCC, hindi bababa sa 60 guro mula Pampanga, Bulacan, Bataan, Zambales at Metro Manila ang biktima ng grupo.
Ulat ni Baronesa Reyes