Naaresto na ng pulisya ang isang taxi driver na umano’y nasa likod ng pagpapasabog ng molotov bomb sa parking area ng NAIA Terminal 3 noong Setyembre 28, ayon sa ulat ng Department of Transportation (DOTr).

BSa isang kalatas, kinilala ng DOTr ang suspek na si Renieldo dela Peña Perez, alyas “Bolayog,” na natukoy sa pamamagitan ng intelligence at surveillance operation na ipinagutos ni T3-TPS chief Capt. Froilan Sanchez.

Nang isalang sa interogasyon, inamin umano ni Perez na siya ang nagtapon ng molotov cocktail na kanyang inilagay sa bote ng energy drink na naglalaman din ng gasoline.

Nilagyan niya umano ito ng tela sa dulo ng bote bago niya sinindihan at initsa sa direksiyon ng parking lot.

Nagawa umano ni Perez ang pambobomba dahil sa paghihigpit ng Manila International Airport Authority laban sa ilegal na operasyon ng taxi sa Paliparan.

Nahaharap sa kasong attempted arson, at alarm and scandal si Perez na kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Jail matapos isalang sa inquest sa Prosecutors Office.