Hindi bababa sa 15 ang bilang ng mga public utility vehicles (PUV) ang naimpound ng Land Transportation Ofice (LTO) sa ikinasang anti-colorum operations nito sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) noong Miyerkules, Oktubre 11.
Sinabi ni LTO chief Vigor D. Mendoza II, kasabay ito ng isinagawang road worthiness inspection at sorpresang drug test ng LTO-National Capital Region sa PITX na nagresulta sa pag-aresto ng limang tsuper ng PUV matapos magpositibo sa illegal drugs.
Sinabi pa ni Mendoza na kabilang sa mga naimpound ng LTO opertives ang siyam na pampasaherong bus, tatlong UV Express, dalawang Jeepney at isang taxi.
Walo sa mga pangpasaherong bus ang naimpound dahil sa pagiging kolorum habang ang isa pang bus ay dahil sa mga depektibong piyesa at hindi paglalagay ng plaka.
“Umpisa pa lang ito ng agresibong operasyon na gagawin ng inyong LTO hindi lamang dito sa Metro Manila kung hindi sa buong bansa. Magsilbi sana itong babala sa mga driver at operator ng mga colorum na sasakyan na ito na tumigil na sa iligal nilang gawain,” wika ni Mendoza.
“Mahigpit ang bilin ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista tungkol sa mga colorum na ito dahil ang naapektuhan ng mga iligal na operasyon ay mga lehitimong mga driver at operator na sumusunod sa alituntunin ng ating pamahalaan,” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Director Francis Almora, pinuno ng LTO Law Enforcement Service na ang operasyon ay alinsunod sa atas ni Mendoza na paigtingin ang intelligence gathering gayundin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga kolorum na PUVs.
Bilang tugon sa mga natanggap na intelligence reports, sinabi ni Almora na nagtungo ang kanilang mga tauhan sa PITX sa Parañaque City na nagresulta sa pagharang ng 14 na sasakyan.
Walang maipakitang katibayan ang mga tsuper nang tanungin kung may hawak silang dokumento na nagsasabing maaari silang mag-operate.