Plano ng Metropolitan Manila Council (MMC) na pangunahan ang konsultasyon para sa panukalang itaas ang parusa laban sa mga lumalabag sa jaywalking sa kalsada.
Sinabi ni MMDA acting chairman Atty. Don Artes, ang panukala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ay tinalakay sa pagpupulong ng lupon subalit ipinagpaliban ang pagpapasa nito dahil mas makabubuting magkaroon pa ng mas mahabang konsultasyon.
“Diniscuss namin in passing pa lang kanina sinamantala namin habang nandoon si Secretary Abalos na siyang nagmungkahi nito, pero sinuspend muna namin iyong pag-pass dahil we want to conduct muna consultations bago namin itaas ang penalty,” pahayag ni Artes.
Sa ilalim ng panukala, mula sa dating P500.00 gagawing P1,000 na may kasamang seminar ang ipapataw sa mga lalabag sa jaywalking.
Sa panukala ni Abalos, sakop ng pagtataas ng parusa sa jaywalking sa Edsa at C-5 dahil sa iba’t ibang aksidente na nagaganap sa lugar. Hinimok ni Abalos ang MMDA at iba pang ahensya ng gobyerno na ikunsidera ang kanyang panukala.
“Magsimula muna tayo doon sa mga delikadong lugar. This is EDSA, unang-una, highway. Number two, C-5. Ang bibilis ng mga sasakyan diyan,” pahayag ng kalihim.
“I just do hope that MMDA could have a study here at sana hikayatin kasi ang cover ng EDSA diyan would be Caloocan, San Juan, Quezon City, Mandaluyong, Makati, Pasay. Kung ang penalty mo ay P500 lang ba, isipin mo? Isagad mo na, i-maximum mo na o i-community service mo siya,” paliwanag pa ng kalihim.
Ulat ni Baronesa Reyes