Nailipat na sa Philippine National Police Crime Laboratory Service (PNP-CLS) sa Kampo Krame para sumailalim sa autopsy ang bangkay ni Francis Jay Gumikib, ang 14-anyos na ikinasawi umano ang pagsampal sa kanya ng kanyang guro sa Penafrancia Elementary School sa Cupang, Antipolo City.

Basahin: Pasado alas-12 ng tanghali nang dumating ang bangkay ni Gumikib sa Kampo Krame upang sa isalang sa autopsy at medico legal na isasagawa ng mga tauhan ng PNP Forensic Group sa laboratoryo ng CLS.

Nais tiyakin ng mga imbestigador kung ang ginawang pagsampal ng kanyang guro noong Setyembre 21 ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Base sa salaysay ng mga kaanak at kaklase ni Gumikib, isang linggo matapos ang insidente ay nakaranas ang biktima ng pananakit sa tenga at ulo bago ito tuluyan na-comatose.


Sinabi rin ng kapatid ni Gumikib, na si Princess, maayos ang pangangatawan ni Francis bago nangyari ang insidente kaya wala itong nakikitang dahilan upang ito ay malagutan ng hininga.