Apatnaput-walong ospital sa Metro Manila ang ininspeksyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) upang matiyak kung sumusunod ang mga ito sa Republic Act 11032 o mas kilala sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Act of 2017.

Sa naturang batas, inatasan ang lahat ng ahensiya ng gobyerno, kabilang ang mga pampublikong ospital, na alisin ang red tape sa kanilang tanggapan at pabilisin ang proseso sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Ang isang linggong pagbisita sa mga tanggapan ay pinangunahan ng Compliance Monitoring and Evaluation Office (CMEO).

Ilan sa mga ospital na inikot ng ARTA ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) pati ang Quirino Memorial Medical Center (QMMC).

Paliwanag pa ng ARTA, mahalaga ang inisyatibong ito para sa bubuuing executive order (EO) na magsasaayos sa proseso ng medical assistance applications sa lahat ng pampublikong ospital sa bansa.

Ulat ni Baronesa Reyes