Labing apat na armadong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa tropa ng militar sa Isabela City, Basilan.
Sinabi ni 101st Infantry Brigade commander Brig. Gen. Alvin Luzon, isinuko din ng mga dating bandido ang kanilang mga armas sa headquarters ng militar na matatagpuan sa Barangay Tabiawan, Isabela City, Basilan.
Ayon kay Luzon, ang pagsuko ng mga ASG members ay bunga na rin ng pangungumbinsi ng mga tauhan ng 64th at 18th Infantry Battalions, 4th Special Forces Battalion, 5th Scout Ranger Battalion, intelligence units, at local government unit ng Sumisip, Hadji Mohammad Ajul, Tipo-Tipo, at Lantawan sa Basilan.
Agad namang isinailalim sa debriefing ang mga nagsikukong bandido at ang mga isinukong armas ay agad na dinala sa headquarters ng 101st Brigade para sa kaukulang dokumentasyon.
Pinuri naman ni Armed Forces Western Mindanao Command (Wesmincom) chief Maj. Gen. Steve Crespillio ang mga sumuko dahil sa kanilang desisyon na magbalik-loob sa gobyerno at mamuhay ng tahimik at mapayapa kasama ang kanilang pamilya.
Nangako din ang opisyal na tutulungan ang mga dating miyembro ng ASG na mapayapang makabalik sa at makasama sa mga programa ng gobyerno. “Rest assured that we will help them to start anew through the reintegration programs of the government,” pahayag ni Crespillio.
Ulat ni Baronesa Reyes