Hindi umubra ang matinding pagharang ng China Coast Guard (CCG) sa resupply mission ng barko ng Pilipinas sa mga sundalo na nagbabantay sa BRP Sierra Madre na nakabalandra sa Ayungin Shoal noong Miyerkules.
Sa video na ipinadala ni Senate President Migz Zubiri sa mga mamamahayag, makikita na minsan pa ay nagsagawa ng ‘dangerous maneuvers’ ang Chinese Coast Guard para maharang ang barko ng Pilipinas na magdadala ng supply sa Ayungin Shoal subalit nalusutan pa rin sila ng PCG elements.
Ang naturang video ay kuha ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na kasama sa nagsagawa ng misyon.
Sa post naman sa X (dating Twitter) ni dating US Air Force official at dating Defense Attache Ray Powell, sinabi nito na aabot sa 12 Chinese militia ships ang namataan sa lugar upang magsagawa ng pagharang sa resupply mission sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.
Ayon sa ulat, inaalalayan ng BRP Cabra ng Philippine Coast Guard ang mga resupply boats na magdadala ng supply sa BRP Sierra Madre. Naka-posisyon din sa lugar ang BRP Ramon Alcaraz para magbigay suporta sa mga barkong magdadala ng supply.
Ulat ni Baronesa Reyes