Patay ang isang kagawad ng barangay na tumatakbong Kapitan matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspect sa Balamban, Cebu.

Dead on the spot ang biktimang si Anastacio Pacquiao, kandidatong kapitan ng barangay.

Batay sa ulat ng Cebu PNP, naganap ang insidente nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 6, sa Cansamuroy, Balamban, Cebu.

Minamaneho umano ng biktima ang kanyang motorsiklo nang sundan siya ng mga suspect na magka-angkas din sa motorsiklo. Pagsapit sa lugar , pinagbabaril ng mga suspect ang biktima sa ulo at katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspects. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang motibo ng pagpatay at malaman narin kung may kaugnayan ang insidente sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.

Ulat ni Baronesa Reyes