Niyanig ng malakas na lindol ang Dalupiri Island sa Calayan, Cagayan kaninang umaga, Oktubre 4.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mula sa naunang tala magnitude 6.2 na lindol ay bahagyang kumalma ito sa magnitude 5.7 na pagyanig ang naramdaman sa sa isla ng Dalupiri dakong 11:35 ng umaga na siya ring epicenter ng lindol.
Batay sa inilabas na update ng Phivolcs, naramdaman ang intensity 5 na lindol sa Calayan, Cagayan. Intensity IV sa Lacub, Abra; Adams, Bacarra, Bangui, Burgos , Carasi , Dumalneg, Laoag City, Pagudpud, Pasuquin, San Nicolas at Sarrat sa Ilocos Norte; Peñablanca, Piat, Santo Niño, Solana, at Tuguegarao City sa CAGAYAN. Nakaramdam naman ng Intensity III na pagyanig ang Licuan – Baay sa Abra; Balbalan, Lubuagan at Pasil sa Kalinga; Batac City, Currimao, Marcos, Paoay at Pinili sa Ilocos Norte. Nasa Intensity II naman ang naramdaman sa Nueva Era sa Ilocos Norte; Basco sa Batanes; Angadanan , Cabagan, Maconacon, San Mariano at San Pablo sa Isabela.
Niyanig din ng intensity 1 na lindol ang Delfin Albano sa Isabela. Dahil sa lindol, nagsilabasa ng kani-kanilang mga tanggapan ang mga empleyado ng City hall at kalapit na gusali sa Laoag.
Inaasahang magdudulot ang malakas na lindol ng mga aftershock kaya nagbabala ang phivolcs na mag-ingat at maging alerto ang publiko.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang report na pinsalang istraktura o kaya’y nasugatan sa nangyaring pagyanig.
Ulat ni Baronesa Reyes