Tatlong Pinoy na mangingisda ang nasawi matapos na mabangga ang kanilang fishing boat ng isang foreign commercial vessel sa karagatang sakop ng Panatag Shoal sa West Philippine Sea noong Lunes, Setyembre 2.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nakilala ang mga nasawi na sina Dexter Laudencia, 47 , kapitang ng barko; at mga crew member na sina Romeo Mejeco, 38 at Benedicto Olandria, 62 pawang mga residente ng Zambales.
Ang insidente ay naganap sa layong 180 nautical miles mula sa Agno , Pangasinan.
Lulan umano ang mga biktima ng FFB Dearlyn at nangingisda sa naturang karagatan at dahil sa sama ng panahon at dilim ng lugar ay hindi napansin ng mga ito ang dumadaang tanker, dahilan upang sila ay mabangga .
Sa lakas ng impact ng banggaan ay mabilis na lumubog ang kanilang bangka dahilan upang masawi ang tatlo habang nakaligtas naman ang 11 pang mangingisda.
Sa salaysay ng mga nakaligtas , gumamit sila ng maliit na service boat upang ibiyahe ang bangkay ng kanilang mga kasamahan pabalik ng Infanta, Pangasinan.
Kaugnay nito, patuloy namana ang isinasagawang imbestigasyon ng PCG upang malaman ang pagkakakilanlan ng commercial vessel na nabangga ng fishing boat.
“The PCG is diligently cross–referencing fishermen’s accounts and the date and time to identify the vessels that passed through the exact incident location. “ pahayag ng PCG.
Sa sandaling malaman na umano ang pagkakakilanlan ng commercial vessel ay magsasagawa sila ng imbestigasyon. “Efforts are being made to ascertain the identity of the vessel involved, and once identified, the PCG will reach out to the flag of the vessel and her next port of call for further investigation,” ayon pa sa PCG.
Ulat ni Baronesa Reyes