Natagpuang patay ang isang dating secretary ng Philippine Sports Commission (PSC) head sa loob ng kanyang tirahan sa Talomo, Bago Gallera, Davao City matapos looban ng hindi pa kilalang suspek noong Setyembre 29.

Ayon sa ulat ng Davao City Police Office (DCPO), kinilala ang biktima na si Lilian del Campo Nieva, 57-anyos, residente ng Deca Homes, Barangay Bago Gallera, Talomo, Davao City. Si Nieva ay nagsilbing secretary ni PSC chairman Butch Ramirez.

Nadiskubre ng kapatid ni Nieva ang bangkay ng biktima habang naliligo sa sariling dugo sa kanyang bahay, ilang araw matapos mangyari ang krimen.

Nang buksan nila ang kanyang silid, bumulaga ang naaagnas na katawan ni Nieva na may matinding tama sa ulo, na nagpapahiwatig na possible itong hinataw ng isang matigas na bagay na kanyang ikinamatay.

Ayon sa ulat, kinuha rin ng salarin ang iPhone 12 at alahas ng biktima.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ang Davao City Police Office sa insidente.