Viral sa isang community group ng Lalamove ang delivery rider na si John Rommel Gonzales Datay, 25-anyos, mula sa Muntinlupa City matapos siyang magtapos sa kolehiyo na may degree na Bachelor of Science in Computer Engineering sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Sa panayam ng Pilipinas Today, sinabi ni John Rommel na nagtatrabaho ang kanyang ama bilang warehouse man habang naulila siya sa kanyang ina noong 2015. Kaya nagsumikap siyang mag-aral dahil ito ang naipangako sa kanyang mga magulang.
Aniya, nagsimula siyang maging Lalamove Rider noong Marso 2022 at kumikita ng P700-P800 kada araw upang may panggastos sa paaralan at sa kanilang tahanan.
“Mahirap pagsabayin ang pagiging rider at pagiging estudyante, pagod at puyat ang kalaban. Minsan sa sobrang hectic ng schedule sa klase hindi narin ako nakakabiyahe and minsan ‘pag online class naman nakikinig ako habang nasa biyahe para makasabay parin ako sa lesson,” kuwento ni John Rommel.
Naaksidente na rin daw siyang minsan at hindi rin maiwasang may marinig na hindi maganda sa mga customer.
“Sa sobrang hirap narin maging rider hindi rin maiwasan ang aksidente katulad narin nang-yari sa akin, hindi rin maiwasan makarinig ng masasama sa mga ibang customer dahil ramdam ko ang diskriminasyon sa aming mga rider pero binabalewala ko lang dahil ako lang din ang nakakakilala sa akin sarilin at nag papakumbaba nalang kaya sa awa ng diyos at eto napag tapos ko ang sarili ko bilang computer engineer at isang proud na lalamove rider,” ani Rommel.
“Nalagpasan ko ito dahil sa akin determinasyon at pangarap kasi wala rin gagawa nito kung hindi ako.”
Malaking inspirasyon para ipagpatuloy ni John Rommel ang kanyang pag-aaral ang namayapang ina.
“Ang akin nawalang ina dahil siya ang dahilan kung bat ako nag papatuloy lumaban at sa huling sinabi niya wag mapagod mangarap kaya sa tuwing napapagod ako inaalala ko lagi ang sinabi sa akin ni mama,” saad pa ni John Rommel.
Dito, tinanong na ng Pilipinas Today kung bakit niya napiling maging Lalamove rider:
“Nung nawala si mama taong 2015 doon ako nawalan ng gana sa sarili halos balisa at napatigil rin sa pag-aaral kasabay narin paglaki ng mga gastusin dahil sa liit lang din ng sinasahod ng aming tatay. Mahirap ang naging umpisa nung mawala si mama, hanggat sa nakaipon at nakatapos bilang Diploma in computer engineering,” pagtatapos ni Rommel.
“Sumubok din mag apply sa mga opisina pero ramdam ko ang hirap sa pag angat ng posisyon dahil sa 3 years vocational course lang at pumasok naman ako bilang isang electrician/installer sa isang kumpanya sa pasig at ulit ako ay naka ipon at dun ko na isipan na kumuha ng Bachelor sa pup sa taong 2019.”
“Sa una, napagsasabay ko ang trabaho at pag aaral dahil kaunti pa lang ang subject, pero nung pumasok na ang second year dun ko naramdaman ang stressed lalo nung naka overload na ang unit, may times na hindi na ako nakakapasok sa work and my time naman sa pagiging estudyante ko.”
“Nung 2020 sa kasagsagan ng pandemic na uso ang online class nakatulong sa akin ito upang kahit nasa work pwede pa rin ako sumabay at making habang nagta-trabaho.”
“Pagpasok ng 2022 dun ko na isipan na sumali bilang isang lalamove rider dahil sa hawak mo ang oras mo dito eto na yata ang pinaka flexible na trabaho sa lahat at sa mabilis kumita, sa mahigit isa’t kalahating taon ko sa pag-lalamove masasabi ko malaki ang na itulong nito sa akin upang makapag tapos ako nang pag aaral and proud ako dahil pinagtapos ako nito.”