Isang 104-anyos na lola sa Chicago ang umaasa na ma-certify bilang pinakamatandang tao na nakapag-skydive matapos iwan ang kanyang walker at sumabak sa tandem jump sa hilagang Illinois.
“Age is just a number,” sabi ni Dorothy Hoffner sa maraming tao ilang sandali matapos makalapag sa lupa noong Linggo, Oktubre 1, sa Skydive Chicago sa Ottawa, mga 140 kilometro timog-kanluran ng Chicago, batay sa ulat ng Chicago Tribune.
Unang nag-skydive si Hoffner noong siya ay 100-anyos. Noong Linggo,, iniwan niya ang kanyang walker sa likod lamang ng eroplano — isang Skyvan — at tinulungan siyang umakyat sa hagdan upang samahan ang iba pang naghihintay sa loob para mag-skydive.
“Let’s go, let’s go, Geronimo!” saad ni Hoffner.
Noong una siyang nag-skydiving, sinabi niyang kailangan pa siyang itulak palabas ng eroplano. Ngunit noong Linggo, na nakatali sa isang U.S. Parachute Association-certified instructor, naglakas-loob si Hoffner na manguna sa pagtalon mula sa 13,500 talampakan.
Nagpamalas ng kumpiyansa sa sarili si Hofner nang sumampa sa eroplano ay nasa itaas at ang likurang pinto nito ay bumukas upang makita ang malawak na bukirin.
Siya ay bumagsak sa labas ng eroplano, naunang tumungo, nakumpleto ang isang perfect forward roll sa kalangitan, bago mag-freefall habang ang kanyang tiyan ay nakatutok sa lupa.
Ang pag-dive ay tumagal nang pitong minuto, kasama na ang mabagal na pagbaba ng kanyang parachute sa lupa. Pagdating sa lupa, itinulak ng hangin ang puting buhok ni Hoffner pabalik, kumapit siya sa harness sa kanyang makitid na balikat, binuhat ang kanyang mga binti at marahang lumuhod sa madamong landing area.
“Wonderful,” ani ni Hoffner. “But it was wonderful up there. The whole thing was delightful, wonderful, couldn’t have been better.”
Pagkatapos ng kanyang pagtalon, mabilis na nabaling ang isip ni Hoffner sa hinaharap at iba pang mga hamon. Bago sumapit ang kanyang ika-105 kaarawan sa Disyembre, sinabi ni Hoffner na gusto niyang maranasang sumakay sa isang hot-air balloon.
“I’ve never been in one of those,” dagdag pa niya.