Umabot sa dalawang drum ng tumagas na langis ang nalikom ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa paligid ng Puerto Princesa City port sa Palawan nitong Sabado, Setyembre 30.
Batay sa ulat ng PCG, aabot sa 500 square meter na lawak sa klaragatan ang naapektuhan ng oil spill.
Una nang naglagay ang PCG ng apat na segment ng oil spill boom at mga sorbent pads sa lugar upang ma-kontrol ang oil spill.
Dakong 1:30 ng tanghali nitong Spetember 30 ay nakakolekta ang kanilang hanay ng dalawang drum ng langis mula sa lugar.
Kumuha narin ng oil samples ang mga tauhan ng PCG Marine Science technicians mula sa dalawang barko na dumaong sa Puerto Princesa Port para sa fingerprinting analysis para makumpara kung sino sa kanila ang posibleng pinanggalingan ng langis.
Nakipag-ugnayan narin ang PCG sa isang RORO passenger vessel na galing sa daungan ilang oras matapos mamataan ang pagkalat ng langis upang masuri kung posibleng galing din dito ang tumagas na langis. Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso.
Ulat ni Baronesa Reyes