Kalunos-lunos ang sinapit ng isang ginang matapos na masagasaan habang natutulog ng isang Toyota Fortuner na bumangga sa kanilang bahay sa Davao de Oro ngayong Lunes, Oktubre 2.

Nakilala ang biktima na si Lita Patunob, nasa hustong gulang at residente ng Purok 7 Barangay Tapia, Montevista, Davao de Oro .

Batay sa ulat ng pulisya, natutulog ang biktima sa kanilang bahay nang bigla na lamang inararo ng Fortuner ang kanilang bahay kung saan nahagip ang ginang.

Tinangka pang i-revive ang buhay ng biktima habang naghihintay ng mga rescuers na magdadala sa kanya sa pagamutan.

Gayunman, hindi na umabot ng buhay ang biktima sa ospital.

Nasa kustodiya naman ng PNP ang driver ng Fortuner na nakabangga sa bahay ng ginang para papanagutin sa kaso.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes