Lumarga na ngayong Lunes, Oktubre 2, ang “Bawal ang Bastos” campaign ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mabigyan proteksiyon ang mga pasahero laban sa mga gender-based sexual harassment at iba pang uri ng karahasan.
Unang pinuntahan ng mga kawani ng LTFRB ang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kung saan ipinamahagi ang mga “Bawal ang Bastos” stickers alinsunod sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act at Memorandum Circular No. 2023-016.
Ang mga “Bawal ang Bastos” stickers ay may kalakip ang mga numero na maaaring tawagan ng mga biktima na nakaranas ng karahasan.
Layon ng naturang field operation na ipaalala ang karampatang parusa o multa na maaaring ipataw sa sinumang lumabag sa nasabing batas at memorandum upang maisulong ang kampanya laban sa karahasan sa loob ng mga pampublikong sasakyan at terminal.