Sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, hindi bababa sa 12 ang apektado ng temporary suspension ng operasyon sa Bicol International Airport bunsod ng nangyaring bomb threat sa isang aircraft ng Cebu Pacific.
Sinabi rin sa ulat ng CAAP na nadiskubre ng mga crew ng Cebu Pacific ang isang liham ng bomb threat na ipinaskil sa isa sa palikuran ng eroplano habang ito ay nasa runway sa paliparan sa Daraga, Albay, dakong ala-11:30 ng umaga.
Isang eroplano rin ng Philippine Airlines, na dapat sanay’y lalapag sa BIA, ang bumalik sa Manila dahil sa suspension of operations sa paliparan.
Bilang bahagi ng safety procedure, pinababa ang mga pasahero ng naturang eroplano bago ito hinalughog ng mga tauhan ng bomb squad unit. Tumulong din sa paginspeksiyon ng mga bagahe ang Aviation Security Canine Bomb Disposal unit.
Maging ang mga bagahe ng mga pasahero ay muling isinalang sa security routine upang matiyak na walang bomba ang makalulusot sa kanila.