Matapos ang siyam na taon, makakamtan na rin ng bettor mula sa Batangas ang ₱12 milyong premyo nito mula sa Lotto 6/42 matapos na hindi tanggapin ang kanyang damaged ticket ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Sa pinal na desisyon ng Korte Suprema, inutusan nito ang PCSO na ibigay ang ₱12.369-milyon premyo ng isang lalaking taga-Batangas.
Hindi ibinigay ng PCSO ang naturang premyo dahil nasira ang ticket ng naturang bettor matapos na plantsahin dahil nalukot ng kanyang apo.
Sa desisyon na isinulat ni Supreme Court (SC) Associate Justice Jhosep Lopez, tama ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) na ibigay sa bettor ang kanyang premyo, kahit pa nasira ang ticket nito.
Ayon sa SC, malabo ang nasasaad sa dating rules and regulations ng PCSO na kailangan lamang magprisinta ng ticket na nagpapatunay na natayaan nga ng nanalo ang winning number combinations.
“Stated otherwise, the ticket is only proof of the fact that the bettor selected the winning combination of numbers,” ayon sa desisyon ng SC.
“The testimonial of the [winning bettor] and his relatives, substantiated by records of sweepstakes office itself, surrounding the fact that he entered a lotto bet and that the chosen numbers correspond to the winning lotto number, were rightly admissible and given weight,” saad pa sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.