Tatlong miyembro ng New Peoples’ Army (NPA) ang nasawi habang dalawang matataas na kalibre ng baril ang nakumpiska matapos na makipagbabakan sa tropa ng militar sa Leon, Iloilo, ngayong Biyernes, Setyembre 29, ng umaga.
Batay sa ulat ni Lt Col J-Jay Javines, hepe ng Public Affairs Office ng 3rd Infantry Division (ID), ang bakbakan ay nagsimula dakong 10:20 ng umaga sa panulukan ng Barangay Cagay at Barangay Danao.
Nagtungo ang tropa ng 61st Infantry Battalion (IB) sa lugar matapos na makatanggap ng ulat mula sa mga residente hinggil sa umano’y pangha- harass ng mga tauhan ng Sibat Platoon, Southern Front, Komiteng Rehiyon-Panay.
Gayunman, pagsapit sa lugar ay agad na bibakbakan ng mga rebelde ang tropa ng militar dahilan upang gumanti ang mga ito ng putok.
Tumagal ng ilang minuto ang bakbakan na nauwi sa pagkasawi ng tatlong rebelde at pagkakakumpiska ng dalawang M16 rifle at subersibong dokumento.
Kaugnay nito, iginiit naman ng pamunuan ng Army’s 3rd ID ang panawagan sa mga iba pang rebelde na sumuko at mamuhay ng tahimik para sa kanilang pamilya.
Sinabi ni 3ID Commander Maj. Gen. Marion R. Sison, hindi titigil ang gobyerno sa kanilang kampanya laban sa mga rebelde kung kaya’t mas makabubuting sumuko na lamang ang mga ito at magsimula ng mapayapang buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
“There will be no letup in our combat operations. We will pursue the remaining Communist NPA Terrorists (CNTs) until none of them remain to sow violence and threaten the peace in our communities. Nevertheless, our call for them to lay down their firearms and avail themselves of the government’s programs remains unchanged. Abandon the senseless armed struggle and live peaceful lives with your family and loved ones,” Pahayag ni Sison.
Ulat ni Baronesa Reyes