Mahigit 850 katao ang nagkasakit ang nagpa-konsulta sa doktor makaraang makaranas ng hirap sa paghinga dahil sa smog na ibinubuga ng Taal Volcano.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) spokesperson Diego Mariano, karamihan sa mga residente ay mula 19 na lugar na lugar na apektado ng vog kabilang ang Agoncillo, Balayan, Balete, Batangas City, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lipa City, Malvar, Mataas Na Kahoy, Nasugbu, San Jose, San Pascual, Santa Teresita, Tanauan, Taysan, at Tuy.
“Meron po tayong mahigit 850 na indibidwal na nagpakonsulta ng medikal dahil nakaramdam ng mga sakit ng respiratory so hirap huminga dahil dito sa volcanic fumes,” pahayag ni Mariano.
Ang mga residente ay nahirapang huminga matapos na makalanghap ng vog subalit hindi naman kinailangan na manatili ang mga ito sa pagamutan at binigyan lamang ng paunang lunas.
Patuloy namang nagbibigay ng gamot, medical assistance, food packs, N95 masks at cash assistance ang ilang ahensya ng gobyerno sa mga apektadong residente.
Nauna nang nagkaroon ng zero visibility sa mga bayan ng Tuy, Balayan, Lian at Nasugbu sa Batangas dahil sa volcanic smog. Dahil dito, binalaan ng Department of Health o DOH ang publiko na iwasan muna ang lumabas ng bahay dahil masama sa kalusugan ang matagal na exposure sa sulfur dioxide.
Hindi naman masabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Dr. Teresito Bacolcol kung hanggang kailan tatagal ang pagbubuga ng vog ng bulkan . “As long as Taal Volcano is spewing out sulfur dioxide, this will be a recurring threat,” pahayag ni Bacolcol.
Ulat ni Baronesa Reyes