Patay ang isang mag-asawa matapos na pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng kanilang bahay sa Zamboanga City kahapon, Setyembre 26.

Nakilala ang mga biktima na sina Warkin Abdurasad Adu at asawa nitong si Felina Ahamad Adu.

Baya sa ulat ng Zamboanga City Police Office, naganap ang pamamaril sa loob ng tahanan ng mag-asawa na matatagpuan sa Barangay Ayala sa nasabing lungsod.

Nagre-repack umano ng uling si Felina habang naghahanda ng hapunan si Warkin nang bigla na lamang pumasok ang mga armadong suspek at pinagbabaril ang mag-asawa.

Dead on the spot ang mag-asawa habang mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa malamang lugar.

Ayon sa PNP, ang mag-asawa ay pawang mga sibilyan na hindi kandidato sa anomang posisyon sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) 2023. Patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.

Ulat ni Baronesa Reyes