Tatlong business establishments ang tinupok ng apoy na sunog na tumagal ng isang oras sa Midsayap, Cotabato, noong Lunes, Setyembre 25.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) nagsimula ang sunog dakong 6:00 ng hapon sa Gnor Beauty hub na matatagpuan sa Quezon Avenue, Barangay Poblacion 5 sa nasabing bayan.

Sa salaysay ng mga tao sa lugar, nakarinig sila ng mga putok mula sa nakasarang beauty hub na pag-aari ni Norsalyn Garcia.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay nagliyab na ang establisyimento at nadamay ang isang lumang bahay at Kawayanan Barbecue house na pag-aari ng isang April Joy Sagun.

Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa unang alarma at naideklarang fire out dakong 7:00 ng gabi.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan sa nasabing sunog. Sa kasalukuyan, patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP upang malaman ang tunay na dahilan ng sunog.

Ulat ni Baronesa Reyes