Patay ang isang lalaki matapos na pagsasasaksakin ng kanyang bayaw sa gitna ng mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Pinamungajan, Cebu, gabi noong Linggo, Setyembre 24.

Nakilala ang biktima na si Felipe Rebuyas, residente ng Sudlon, Barangay Lahug, Cebu City.

Arestado namana ng suspek na nakilalang si Jessie Benigay, 36-anyos at residente ng Pinamungajan.

Batay sa ulat ni Pinamungajan Police Station Chief P/Maj. Gilfred Baroman, naganap ang insidente dakong 11:00 ng gabi sa bahay ni Benigay na matatagpuan sa Sitio Mabini, Barangay Tajao, Pinamungajan.

Unang nag-inuman ang magbayaw at nang malasing ay nagsimula silang magtalo sa hindi pa malamang dahilan.

Napikon umano ang suspek dahil sobrang lasing na ng biktima at hindi na maganda ang kanilang usapan.

Sa gitna ng pagtatalo ay kinuha ng suspek ang patalim at itinarak sa dibdib ng bayaw.

Dead-on-the-spot ang biktima habang tumakas ang suspek subalit nahuli din ng mga rumespondeng pulis nitong Lunes ng umaga.

Ulat ni Baronesa Reyes